Thursday, 24 July 2014

Compiliation of horror stories. (mga kwentong katatakutan)

http://www.hauntedpocketbooks.com/

PAMAHIIN

Hindi na niya nakuhang sumigaw nang biglang lumitaw ang mabalahibo at mabagsik na taong lobo sa kanyang harap at mabilis siyang dinaluhong.

“HUWAG mong ilabas ‘yang winawalis mo, Adela,” puna ni Simon sa asawa niya habang nagwawalis ito sa loob ng kanilang kubo. Abala siya sa pagkalikot ng sirang radyo nila pero napansin niya ang ginagawa. ng kanyang kabiyak.
Tumingin ito sa kanya. “Bakit na naman? Ano’ng masama?” nakakunot-noong usisa nito.
“Parang itinataboy mo ang grasya palayo sa atin.”
“Eh, ano’ng gusto mo? Ipunin ang dumi sa loob ng bahay?”
“Hindi sa gano’n. Puwede namang papunta rito sa loob ang pagwawalis. Dakutin mo na lang, saka mo dalhin sa labas.”

“Naku, talaga ‘yang mga pamahiin mong iyan… Doble-trabaho, eh.”
“Wala namang mawawala kung maniniwala tayo. Mabuti na ‘yong sumusunod tayo sa sinasabi ng mga matatanda.”
Hindi na ito kumibo. Ginawa na lang nito ang sinabi niya. Alam nito kung gaano kalaki ang paniniwala niya sa mga pamahiin na sinabi sa kanya ng kanyang namayapang lolo’t lola.
“Siyanga pala, ‘yong susulsihan mong pantalon ko, gawin mo na ngayong umaga. Masamang magtahi ng damit’pag gabi. Para kang nag-iimbita ng mangkukulam,” sabi pa niya.
Napailing na lang ito habang dinadakot ang mga dumi sasahig.
BALE-WALA kay Marife kung madilim ang daan nang gabing iyon. Sinagasa niya ang kasukalan at ilang na lugar na nayuyungyungan ng maraming puno. Ang importante sa kanya ay marating ang bahay ng nag-iisang modista sa nayon nila.
Bukas na ang kasal niya. Nang isukat niya ang trahe de boda ay natuklasan niyang masikip iyon. Kailangang maremedyuhan iyon ngayong gabi dahil gipit na sa panahon. May kung ano kasing nag-udyok sa kanya kanina na isukat ang damit-pangkasal sa kabila ng mahigpit na bilin sa kanya ng nanay niya na huwag na huwag isusukat iyon dahil bawal daw. Sa halip na makasama ay nakabuti pa nga iyon dahil nalaman niyang masikip pala sa kanya iyon.
Gusto siyang samahan ng nanay niya pero hindi siya pumayag dahil mahina na at mabagal maglakad ito. Kung nabubuhay lamang ang ama niya ay hindi ito papayag na lumabas siya ng bahay nang walang kasama. Magpapasama sana siya sa mapapangasawa niya ngunit mas malayo ang bahay ng mga ito sa bahay nila at sa bahay ng modista.
Ang totoo ay matindi ang kaba niya. Malikot ang mga mata niya sa mga nadaraanang malalaking puno. Nililibang lamang niya ang sarili sa pag-iisip ng magandang pangyayaring magaganap sa buhay niya. Napapangiti siya kapag naiisip niyang magsasama na sila sa iisang bubong ng pinakamamahal niyang lalaki.
Bigla siyang napahinto nang may mapansin siyang pigura na nakaharang sa daraanan niya. Hindi niya maaninag kung ano iyon. Mabilis na nilukuban siya ng kaba at nanindig ang mga balahibo niya.
“S-sino ‘yan?” garalgal ang tinig na tanong niya.
Walang tumugon.
Huli na nang mapagtanto niya ang nakaambang panganib. Hindi na niya nakuhang sumigaw nang biglang lumitaw ang mabalahibo at mabagsik na taong-lobo sa harap niya at mabilis siyang dinaluhong. Sumirit ang pulang likido mula sa leeg niya nang bumaon doon ang matatalim na pangil ng taong-lobo. Nabahiran ng sariwang dugo ang puting trahe de boda.
HUMAHANGOS na lumapit kay Simon ang asawa niya habang nagsisibak siya ng kahoy sa bakuran nila nang umagang iyon. Namalengke ito sa bayan.
“Patay na si Marife! Nilapa siya ng pinaghihinalaang taong-lobo kagabi!” nanginginig ang boses na sabi nito habang inilalapag nito ang mga pinamili. “Kawawa naman. Ngayon pa naman sana ang kasal nila ni Alfred.”
“Bakit masyado kang apektado?”
“Sino ba’ng hindi maaapektuhan? Napakabata pa ni Marife para mamatay. Parang pinagkaitan siya ng pinangarap niyang kinabukasan.”
“Kasalanan din niya siguro kung bakit niya sinapit iyon. Malamang na isinukat niya ang damit-pangkasal bago siya napatay ng halimaw.”
“Ano? Dahil na naman sa pamahiin kaya nangyari iyon?” naiinis na sabi nito.
“Lahat ng namamatay, may dahilan o naging sanhi. Maaaring sa natural na paraan. Pero puwede rin na dahil iyon sa di-nasusulat na batas kaya nakakapag-imbita ng kamatayan ang taong sumusuway niyon.”
“Ewan ko sa ‘yo. Maghanap ka ng kausap mo!” Tinalikuran siya nito at pumasok sa bahay.
Lihim siyang napangiti. May isang bagay patungkol sa katauhan niya na hindi nito alam. Siya ang taong-lobo na namemerhuwisyo sa kanilang nayon tuwing kabilugan ng buwan. Siya ang pumatay kay Marife. Bakit siya makikisimpatya sa pagkamatay nito gayong nasarapan siya sa lamang-loob nito?
Kung malalaman lang ng asawa niya ang lihim niya, tiyak na kasusuklaman siya nito at baka ito pa mismo ang magsuplong sa kanya sa mga taong-bayan. Kaya ganoon na lang ang pag-iingat niya. Kung kinakailangang isangkalan niya ang mga pamahiin para iligaw ang mga tao, gagawin niya huwag lamang siyang mabuko.
NANANANGHALIAN sina Simon at Adela nang aksidenteng nalaglag sa sahig ang isang kutsara mula sa hapag.
“May darating na bisita,” sabi ni Simon habang kumukuha ng ulam sa lalagyan. “Babae.”
“Paano mo naman nalaman?” usisa ni Adela habang pinupulot nito ang nahulog.
“Hayan,” aniya, sabay turo sa hawak nito. “Hindi ba isinisimbolo ng kutsara ang babae at tinidor naman ang lalaki? Kutsara ‘yan kaya babae ang darating,” aniya. Eksaktong kasasabi pa lang niya niyon nang may kumatok sa pinto.
“Tamang-tama pala ang dating ko. Kumakain kayo. Heto, may dala akong ulam,” anang ina ni Adela. Nakapasok na ito bago pa ito mapagbuksan ni Adela.
“Inay, napadalaw kayo? Ano’ng atin?” usisa ng asawa niya at nagmano sa biyenan niya.
“Wala naman. Naisip ko lang na silipin kayo rito. Baka ‘kako magkakaapo na ako. Wala pa ba?”
“O, naniniwala ka na? Sabi ko sa ‘yo, babae,” nakangising sabi niya sa kanyang asawa pagkatapos niyang magbigay-galang sa kanyang biyenan.
“Babae? Babae ang magiging apo ko?” nasasabik na tanong ng biyenan niya.
“Hindi ho,” aniya. Nagkatinginan sila ng kanyang asawa.
Napailing si Adela.
NAALIMPUNGATAN si Simon nang tumayo sa higaan si Adela at dumaan sa ibabaw niya habang nakahiga siya. “Bakit mo ako hinakbangan?”
“Ano na naman? Mabibiyuda ako?” Halata ang pagkainis sa mukha nito nang sabihin iyon. Halatang hindi maganda ang gising nito.
Napabuntong-hininga na lang siya habang nilulukuban ng kaba. Tama ang sinabi ng kanyang kabiyak pero ayaw niyang makipagtalo rito. Sasarilinin na lang -niya ang pangamba dahil sa ginawa nito.
Malalim ang paniniwala niya sa mga pamahiin kaya sa pagkakataong iyon ay tila gusto niyang ipanalangin na huwag magkatotoo ang maaaring mangyari, lalo na’t may mabigat na dahilan para magkaroon iyon ng katuparan.
Mamayang gabi na bilog uli ang buwan ay dodoblehin niya ang pag-iingat sa paghahanap ng lalapaing biktima. Mula noong mabiktima niya si Marife ay gabi-gabi nang may mga nagroronda.
MAGINAW ang gabi subalit muling nag-iinit ang katawan ni Simon tulad ng dati. Maingat na bumangon siya sa higaan bago pa tuluyang lumukob sa kanya ang kadiliman. Nagmamadali siyang lumabas ng bahay para maiwasang mapatay ang sarili niyang asawa. Siniguro niyang mahimbing ang tulog nito nang umalis siya sa kanilang kubo.
Nag-uumpisa nang manginig at mangati ang buong katawan niya habang binabagtas niya ang kasukalan. Naglalagutukan na rin ang kanyang mga buto. Hindi na rin niya mapigil ang paglalaway niya nang malapot. Senyales iyon ng pangingibabaw ng taong-lobo sa kanya.
Bago tuluyang magbago ang kanyang anyo ay may namataan siyang nagbigay sa kanya ng matinding pangamba—isang itim na pusa. Base sa pamahiin, mamalasin ang sinumang makakasalubong ng itim na pusa sa daan. Bago humulagpos ang kanyang katinuan, naisumpa pa niya sa sarili na hindi dapat manaig ang epekto sa kanya ng pamahiin. Kokontrahin niya iyon. Sisiguruhin niyang hindi siya matitiyempuhan at mapapatay ng mga nagroronda sa gabing iyon.
PAKANTA-KANTA ang isang lalaki habang bitbit ang isang bote ng gin. Pasuray-suray na naglalakad ito nang bumangga ito sa isang matigas na bagay. Biglang nawala ang kalasingan nito nang mapagtanto kung kanino ito nabangga. Nanlaki ang mga mata nito sa sindak at dahan-dahang napaurong.
Mabangis na umangil ang taong-lobo at bago pa makatakbo ang lalaki ay dinaklot na ng taong-lobo ang leeg nito at iniangat ito sa lupa. Nabitawan nito ang bote ng alak na hawak nito. Kasabay ng sigaw nito ang pagdilig sa lupa ng malansang dugo.
Sa nanlalabong diwa ng lalaki ay nakita nitong palapit ang grupo ng mga nagroronda sa kinaroroonan nito.
Ngunit bago pa makalapit ang mga nagroronda ay tuluyan nang nalagutan ng hininga ang lalaki. Wakwak ang dibdib at sikmura na iniwan ito ng taong-lobo para tumakas.
GANADO sa pagsisibak ng kahoy si Simon nang umagang iyon. Tila magbabago na ang kanyang pananaw sa mga pamahiin. Dalawa kasi sa mga iyon ang hindi nagkaroon ng katuparan sa kanya. Una ay ang pagdaan ni Adela sa ibabaw niya habang nakahiga siya. Pangalawa ay ang itim na pusa na nakita niya sa daan. Ang mga iyon ay parehong nagpapahiwatig ng kamatayan niya pero nakaligtas siya kagabi sa mga nagroronda kaya nananatili siyang buhay at malakas pa sa kalabaw.
“Tama na muna ‘yan. Nakahanda na ang almusal,” pormal na sabi ni Adela nang lapitan siya nito.
“Tamang-tama, gutom na nga ako,” masayang tugon niya, sabay akbay rito habang papasok sila sa bahay.
“Masarap yata ang tulog mo kagabi. Mukhang maganda ang gising mo,” komento nito habang nagtitimpla ng kape.
“O-oo. Maginaw kasi. Mahigpit nga tayong magkayakap, eh.”
“Sinungaling ka, Simon. Matagal mo na pala akong niloloko.”
Natigilan siya sa tinuran nitong iyon, kapagkuwan ay napatingin siya rito nang tuwid.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?”
“Gutom ka nga ba? O nagkukunwari ka lang para hindi ko mahalatang puno pa ang sikmura mo ng mga lamang-loob ng biniktima mo kagabi?” walang kagatul-gatol na sabi nito habang matalim na nakatitig sa kanya.
Wala siyang maapuhap na isagot. Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng nagyeyelong tubig nang mga sandaling iyon. Tila napagkit siya sa kinauupuan niya. Kung maaari lang sanang lamunin siya ng lupa nang mga sandaling iyon ay hiniling na niya.
“Hindi ka makakapagkaila. Nagising ako kagabi nang bumangon ka. Sinundan kita hanggang sa mga puno,” anito. Nag-umpisa nang mangilid ang mga luha sa mga mata nito. “Kitang-kita ko nang magbago ang anyo mo. Napatakbo ako sa takot na baka ako ang patayin mo ‘pag nakita mo ako.” Tuluyan nang napahagulhol ito.
“Hindi iyon mangyayari, Adela. Kaya nga umaalis ako tuwing mag-uumpisa nang mangibabaw sa akin ang—”
“Talagang hindi ko na hihintayin ang oras na pati ako’y lapain mo, halimaw!” putol nito sa sinasabi niya.
Kinabahan siya sa tinuran nito. Natabig tuloy niya ang lalagyan ng mga kubyertos na nakapatong sa ibabaw ng mesa at sumambulat ang lahat ng laman niyon sa sahig. Natigilan siya at napatingin sa kanyang kabiyak. Alam na niya ang susunod na mangyayari.
IPINAGKANULO si Simon ng kanyang asawa sa mga taong-bayan.
“Buksan mo’ng pinto, Adela! Ilabas mo si Simon!”
“Ipaubaya mo sa amin ang kamatayan ng salot mong asawa!”
“Dapat magbayad ang hayop na halimaw na ‘yan! Dapat siyang mamatay!”
Nilukuban siya ng sindak nang marinig niya ang mga sigaw na nagmumula sa labas ng kanilang bahay. Nasilip niya ang mga galit at armadong mga mamamayan.
Napatayo siya, nataranta kung paano tatakas.
“Bakit mo nagawa sa akin ‘to, Adela?”
“Patawarin mo ako. Hindi ko matatanggap ang kahayupan mo.”
Nang pasukin ng taong-bayan ang bahay nila ay kumalansing uli ang mga nakakalat na kubyertos sa sahig nang matapakan ang mga iyon ng mga tao. Sumaliw roon ang sigaw niya kasabay ng pagbaon ng mga itak at sibat sa katawan niya.
Sa labas ng bahay ay napadaan ang isang itim na pusa. Nangalisag ang balahibo niyon, tila naramdaman ang malagim na nagaganap.
Wakas.


Ang Lalaking galit sa buwan


Unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Tinubuan ng makakapal na balahibo ang kanyang mukha at katawan. Nagmukha siyang mabalasik na aso.
May kilala ba kayong tao na labis ang galit sa buwan? Ganoon si Hildo, ang kaibigan ng pinsan ko. At hindi siya nagkait na ibahagi kung ano ang lihim sa likod ng pagkagalit niya sa buwan.
SA MGA nakasama at naging kaibigan ko, si Hildo lang ang taong nakilala kong sobra ang pagkagalit sa buwan. Sa katunayan, kapag may buwan, hindi siya naglalalabas ng bahay.
“Maraming nalilikha ang buwan na ikinapa-pahamak ng tao,” ang sabi niya sa akin nang usisain ko siya tungkol doon isang araw. “Kung puwede nga lamang paglahuin ko iyon sa kalangitan.”
“Ang buwan ay nagbibigay ng liwanag sa gabing madilim. Paano mo masasabing lumilikha iyon ng kapahamakan?”

Kapag ganoong kinokontra ko siya, hindi na niya pinalalawig pa ang aming pag-uusap. Basta ang alam niya, perhuwisyo ang buwan at galit siya roon.
Kunsabagay, kung paniniwalaan ko ang mga sinasabing kuwento ng mga katandaan sa amin, talagang marami ngang hiwagang idinudulot ang buwan. At si Lolo Sario ang nagpapatunay niyon.
“Kapag kabilugan kasi ng buwan, may mga nilikha ng dilim na nagbabago ang anyo. Sa panahon ding iyon sila gumagala at naghahanap ng mabibiktima,” pahayag niya.
” Ano naman ho ang nagiging anyo nila?”
“Sa mga manananggal ay nahahati ang kanilang mga katawan, tinutubuan ng pakpak at nakakalipad. Ang mga lahing aswang naman ay nag-aanyong baboy ramo at iba pang anyo na nagagawa nila. Ang mga taong lobo naman ay tinutubuan ng makakapal na balahibo sa katawan, matutulis na kuko at pangil kung saan nagmumukha silang asong gubat,” sabi pa ni Lolo Sario.
May nobya si Hildo, si Leilani. Siya ang pinakamagandang babae sa aming baryo. Noong nililigawan pa lamang ni Hildo si Leilani ay kasa-kasama niya ako sa panunuyo rito. Sa katunayan, ako ang naging tulay nila, at malaking papel ang ginampanan ko para magkaibigan sila.
“Ikaw ang kukunin kong best man sa aming kasal, Crispin,” sabi ni Hildo sa akin.
“Walang problema. Mas magtatampo ako sa iyo kung maiitsapuwera ako sa kasal ninyo ni Leilani,” tugon ko. “Kailan ba ninyo binabalak magpakasal?”
Tiningnan niya ang kalendaryo. “Sa a-disiotso ng Agosto,” sagot niya.
Sinulyapan ko ang kalendaryo. Itinaon pala niya na walang buwan sa petsang iyon kaya biniro ko siya.
“Paano kayo magha-honeymoon kung walang buwan? Kaya nga honeymoon, mayroong ‘moon.’”
Tila ikinainis niya ang sinabi ko dahil sukat ba namang talikuran niya ako.
Hinabol ko siya at agad na humingi ako ng paumanhin sa kanya.
“Taong ito, hindi na mabiro,” natatawang sabi ko.
“Alam mo namang allergic ako sa buwan, binabanggit mo pa.”
Mula nga noon ay hindi ko na binibiro si Hildo basta may kaugnayan sa buwan. Ganunpaman, hindi mawala ang kuryosidad ko kung bakit ganoon siya.
“Alam mo, Crispin, hindi lang ang sinasabi ni Lolo Sario ang mga dahilan kaya may mga taong ayaw na sanang lumitaw ang buwan,” pahayag ng isang kaibigan ko na napagsabihan ko ng tungkol sa kakatwang galit ni Hildo sa buwan.
“Ano?”
“`Di ba’t may mga taong sinusumpong ng topak sa ulo kapag kabilugan ng buwan?”
“Oo nga, ano,” napapatangong tugon ko.
Tinotoyo ba si Hildo kapag kabilugan ng buwan?
Pero hindi ko sineryoso iyon dahil hindi iyon totoo. Napakabait na tao ni Hildo. Kahit dayo lang siya sa lugar namin, hindi man lamang siya nagkaroon kahit na isang kaaway o kagalit. Matulungin din siya sa kapwa at marami siyang naging kaibigan, at kabilang ako sa mga iyon.
Subalit isang buwan bago ang kanyang kasal, isang trahedya ang naganap sa kanyang nobya. Natagpuang patay si Leilani sa isang ilang na lugar at hinihinalang addict ang may kagagawan ng krimen.
Labis na itinangis ni Hildo ang nangyari kay Leilani. Halos hindi niya matanggap iyon. Palagi siyang lasing at kapag lango na siya sa alak ay minumura niya ang buwan. Poot na poot siya doon.
“Hayup ka, salot!” sigaw niya habang nakatingala sa kalangitan bagaman walang buwan kapag ginagawa niya iyon.
Ipinagtapat niya sa akin na hindi siya nanini-walang addict ang pumatay sa kanyang nobya. Nagulat ako sa sinabi niyang dahilan ng kamatayan ni Leilani.
“Ang sugat niya sa katawan ay hindi likha ng tao kundi ng isang alagad ng dilim,” sabi niya.
“Paano mo nalaman?” nakakunot ang noong usisa ko.
“Hindi siya hinalay na karaniwang ginagawa ng isang addict sa kanilang biktimang babae. Hindi rin siya pinagnakawan, kung holdaper man ang pumatay sa kanya. Pero ang malalim na sugat sa tapat ng kanyang puso ay kagagawan ng isang manananggal.”
“Manananggal? Mayroon bang ganoong nilikha? Nababasa ko lang iyon sa mga kuwento,” naiiling na sabi ko.
Tiningnan lang niya ako nang makahulugan pero hindi siya nagpakita ng reaksiyon sa aking tinuran.
Isang araw, ginabi kami ng uwi ni Hildo. Galing kami noon sa isang kaibigan na nagdiwang ng kanyang kaarawan. Ayaw sana ni Hildo na sumama pero pinilit ko siya para naman malibang-libang siya dahil alam kong sariwa pa sa kanya ang naging kamatayan ng kanyang nobya. Naglalakad kami noon sa masukal na sabana nang mapatingala si Hildo. Nakita niyang sumisilip ang bahagi ng bilog na buwan sa ulap. Napansin kong nabahala siya at kinabakasan ng takot.
“Mauuuna na ako sa “yo,” sabi niya sa akin.
“Sige, okay lang,” tugon ko naman.
Halos lakad-takbo ang ginawa niya sa kanyang pag-uwi. Naiwan naman akong dahan-dahan lang ang ginagawang paglalakad. Mayamaya ay nakarinig ako ng malakas na pagaspas ng pakpak. Napatingala ako. Isang napakalaking ibon ang nakita kong lumilipad. At napansin kong sa akin papalapit ang ibon. Tila dadagitin ako.
Nakadama ako ng takot. Tumakbo ako pero natisod ako kaya bumagsak ako sa lupa kung saan tumama pa ang aking ulo sa isang nakausling bato.
Nakadama ako ng pagkahilo. Kinapa ko ang aking noo, may nasalat akong dugo na umaagos mula roon. Pagsulyap ko sa itaas, nakita kong hindi ibon ang padagit sa akin kundi isang tao na kalahati ang katawan at may mga pakpak!
Napakapangit at mabalasik ang kanyang anyo. Pero bago siya nakalapit sa akin ay nakita ko si Hildo na lumapit sa akin. Tila ibig niya akong proteksiyunan.
Nasulyapan kong nahawi na ang ulap na nakakubli sa buwan kaya lumantad ang kabuuan niyon. Nagulat ako dahil kumisay-kisay si Hildo, at doon ko nakita na unti-unting nagbago ang kanyang anyo. Tinubuan ng makakapal na balahibo ang kanyang mukha at katawan. Nagmukha siyang mabalasik na aso.
Nilundag niya ang palapit na taong kalahati ang katawan. Sinakmal niya ito sa leeg. Nagpanghamok sila. Noon na ako tuluyang nawalan ng ulirat. Nang magmulat ako ng mga mata at pagsaulian ng malay ay nasa bahay na ako.
“P-paano ako nakauwi?” tanong ko sa aking kasambahay.
“Natagpuan kang walang ulirat ng mga barangay tanod sa sabana kaya iniuwi ka rito. Ang akala nga nila ay nakagat ka ng aso dahil nakita nilang papalayo iyon sa iyo nang dumating sila.”
Bagama’t hilo ako noong masaksihan ko ang mga pangyayari, alam kong may lihim na nahayag sa pagkatao ni Hildo nang sumilay ang bilog na buwan.
Nang umaga ring iyon, kahit masakit pa ang mga sugat ko ay tinungo ko ang bahay ni Hildo pero wala siya roon. Isang lalaki naman ang natagpuang patay sa kakahuyan, at hinihinalang biktima ng isang mabangis na hayop dahil maraming sugat ito na likha ng matatalim na ngipin.
“P-putol ba ang katawan ng biktima?” tanong ko sa nakakita niyon.
“Hindi. Bakit mo nasabi iyon?”
“W-wala… Wala…”
Mula noon ay hindi ko na nakita pa si Hildo. Hindi na siya nagbalik sa aming baryo. Nananatiling palaisipan sa akin ang hiwagang naganap. Iniisip ko na ang taong natagpuang patay ay ang manananggal na nakita ko. Marahil sa paghahamok nila ni Hildo na naging anyong aso, sugatan siyang nakatakas at nakalayo at nagawa pang pagdugtungin ang katawan bago namatay. Ang mga kagat niyon ay alam kong likha ni Hildo.
Sa gabi, madalas kong pinagmamasdan at tinititigan ang bilog na buwan. Napakaganda niyon kung saan ang liwanag ay nagiging inspirasyon pa ng mga makata sa paglikha ng kanilang tula. Nagsisilbi ring pang-akit iyon sa mga magkatipan na nagsusuyuan sa ilalim ng liwanag niyon. Pero masisisi ko ba si Hildo kung kapootan niya iyon at mahayag ang isang lihim? Hindi na.
Kung minsan ay nakakarinig ako ng alulong ng aso mula sa kalapit na bundok kapag kabilugan ng buwan. Iniisip kong baka si Hildo iyon at hanggang ngayon ay nagagalit siya sa bilog na buwan.
Wakas.

Third Eye


“Nangangarap ka bang magkaroon ng THIRD EYE?”
Alam ni Sofie na mayroon siyang sixth sense. Ilang beses na niyang napatunayan ito. Bata pa siya ay nakakakita na siya ng mga multo sa paligid. Iba-iba ang anyo, may parang bilog lang na liwanag o tinatawag na orb, mayroong hindi buo, mayroong medyo buo pero translucent, at mayroong malinaw na multo. Pero dini-deadma niya. Natutunan niyang paglabanan ang kanyang takot sa mga ito sa paglipas ng panahon. At patuloy siya sa pagkukunwaring wala siyang ganitong abilidad. Ibig niyang maging normal lamang na gaya ng ibang kabataan.
Nagpatuloy ang pagtatakwil ni Sofie sa kanyang sixth sense hanggang sa magkolehiyo siya. At kahit papaano, nari-realize niya na okey lang na may ganoong abilidad kaya nagbabasa-basa siya minsan ng libro sa college library tungkol sa mga multo.

Nasa third year college si Sofie nang makilala niya ang isang babaeng multo na nagngangalang Evelyn. Hapon na noon at ayaw tumigil sa pagsusungit ang kalangitan. Panay ang buhos ng ulan. Naghihintay siya sa waiting shed sa harap ng eskuwalahan kasama ang tatlong estudyante nang biglang may tumabi sa kanya. Akala niya ay estudyante rin pero nang lingunin niya ay multo pala. Nakasuot ito ng unipormeng pang-estudyante at kilala niya ang eskuwalahang may ganoong uniporme.
Tumingin sa kanya ang babae. At napansin niyang maganda ito.
Ako…si Evelyn…Tulungan…mo…ako, pagmama-kaawa ng babae. Ang tinig nito ay naririnig lamang niya sa kanyang isip.
Napalingon si Sofie sa mga estudyanteng nag-aabang ring tulad niya saka muling binalingan ang babae. Nakayuko na iyon na parang pinanonood ang agos ng tubig-ulan sa gilid ng kalsada.
Humakbang palayo si Sofie. Pilit na dini-deadma ang babae. Mabuti na lang at may napara agad siyang tricycle. Dalidali siyang sumakay.
Akala ni Sofie, titigilan na siya ng babae pagkatapos niyon. Pati sa loob ng campus ay sinundan na siya sa library, sa rest room, at sa classroom. Ganoon pa rin, nagmamakaawa, humihingi ng tulong. Para tuloy siyang baliw dahil napapansin ng kanyang mga kaklase ang kanyang pagkabalisa.
Sa huli ay hindi na rin napigilan ni Sofie ang mainis.
“Puwede ba? Patay na kayo kaya manahimik na kayo!” naisigaw niya. Nasa ladies room siya noon at naghuhugas ng kamay nang bumukas ang pinto ng isang cubicle at lumabas si Evelyn.
Kailangan ko lang ng tulong mo.. .nakikiusap ako.
Kinalma ni Sofie ang sarili. Anong tulong?
Inilibing ako sa bakanteng lote sa likod ng eskuwelahan niyo. Hinahanap ako ng aking mga magulang.
Inilibing ka, nino?
Gusto ko lang malaman ng aking mga magulang kung nasaan ako para hindi na sila umasang buhay pa ako.
May narinig si Sofie na paparating na mga estudyante.
Ano’ng gusto mong gawin ko ?
Bumukas ang pinto at pumasok ang tatlong estudyante. Lumabas si Sofie.
Nang sabihin ni Evelyn na puntahan niya ang mga magulang nito ay pumayag siya. Ibinigay sa kanya ni Evelyn ang isang kuwintas na magpapaniwala sa mga magulang nito na alam niya kung saan matatagpuan ang bangkay ni Evelyn. Sinamahan siya ni Evelyn. Nakauniporme pa siya dahil kalalabas lang niya sa eskuwela.
Ang nagbukas ay isang matandang katulong. Bumati si Sofie. Hinanap niya ang magulang ni Evelyn. Pinatuloy siya sa loob ng may kamahalang bahay. Kasama niya si Evelyn at parang noon lamang ito nakauwi sa bahay. Patingin-tingin sa paligid.
Nang makaharap ang mga magulang ay sinabi niyang patay na si Evelyn at kung saan makikita ang bangkay nito. Ayaw maniwala ng ina pero nang ibigay niya ang kuwintas ay humagulgol ito. Sinulyapan niya si Evelyn at nakita niyang nakatayo ito sa harap ng bintana, malungkot na nakatingin sa ina.
“Paano mo nalaman lahat ng ito?” tanong ng ama.
“Hindi ko po alam kung paano ko ipaliliwanag ang aking sarili pero noong isang araw ay lumapit sa akin si Evelyn. Humingi siya sa akin ng tulong.”
Hindi makapaniwala ang mga kaharap niya.
“Isa na po siyang multo!” dugtong ni Sofie.
“Sino raw ang gumawa sa kanya?” tanong ng ama.
“Ayaw n’ya pong sabihin?”
“Nasaan ang anak ko? Nandito ba siya? Gusto ko siyang makita,” tanong naman ng humahagulgol pa ring ina.
Sinulyapan muli ni Sofie si Evelyn. Tumango ito.
“Nandito po siya.”
Binuksan ni Evelyn ang bintana at pumasok ang sariwang hangin sa sala. Napalingon ang lahat, pati ang mga katulong na nakatayo sa paligid.
“Ang gusto lang po ng inyong anak ay mapanatag kayo para malaya na siyang makaalis.”
Umiyak na rin ang ama.
Kinabukasan ay kasama si Sofie sa bakanteng lote sa likod ng kanilang eskuwelahan. Nahukay nila ang kalansay na labi ni Evelyn. May mga ilang nakaunipormeng awtoridad ang nagsagawa ng imbestigasyon. At nang matapos ang pagkuha sa labi ni Evelyn ay nagpasalamat sa kanya ang ama nito. Nasulyapan ni Sofie si Evelyn sa may di kalayuan. Nakangiti.
Salamat…
Ginantihan ni Sofie ng simpleng ngiti si Evelyn.
Wakas!

Expressway


Totoong masarap magbiyahe sa NLEX dahil walang traffic. Kung nagmamadali ay hindi mababalam at tiyak na makararating agad sa paroroonan. Iyon ay kung hindi mapapadaan sa isang bahagi ng NLEX napatungong Norte. Sa bahaging ayon sa sabi-sabi ay accident zone.
Ayon din sa sabi-sabi, madalas na maganap ang aksidente sa gawing iyon ng NLEX sa mga dilingkuwenteng oras. Tuwing madaling araw.
Sa mga motoristang nakakaalam ng kuwento, gawi na nilang bumusina o maghagis ng coin sa tuwing daraan sa gawing iyon ng NLEX. Paraan daw iyon upang itaboy ang bad spirit upang malayo sila sa aksidente.
Isang madaling araw ay sakay ng van ang pamilya ni Mr. Cruz. Siya, ang kanyang asawa at tatlong anak ang lulan ng van. Pinili nilang madaling araw maglakbay upang umuwi sa Ilocos para dumalo sa kapistahan doon. Tagaroon ang asawa ni Mr. Cruz.
Sa Quezon City nakabase ang mag-anak dahil doon na sila nakabili ng bahay.
Nalingunan ni Mr. Cruz ang tatlong anak sa backseat. Tulog ang mga ito. Ang katabing asawa nama’y mukhang napipikit na rin ang mga mata. Halos hindi kasi sila nakatulog daliil sa excitement sa biyahe nilang iyon na matagal din nilang pinagplanuhan.
“Ma…” untag ni Mr. Cruz sa asawa.
Umungol ang babae.
“Ma, huwag mo akong tulugan at baka antukin din ako. Mag kuwento ka nga.”
Naghikab pa ang babae.
“Nakakaantok naman kasi. Ano’ng oras na ba?” tumingin ito sa suot na wrist watch. “Ito naman ang hirap ‘pag ganitong oras nagbiyahe. Wala ngang traffic at malamig nakakaantok naman.”
“Mamaya ka na lang bumawi ng tulog pagdating natin do’n.”
“Oo nga. Nasan na ba tayo?”
“Part pa rin ng Pampanga ‘to.”
“Pampanga pa lang ba tayo? Tagal pa pala bago tayo makarating sa destinasyon natin. Dad, gusto mo ng coffee?”
“Good idea. Sige nga nang mawala rin ang antok ko.”
Hinagilap ng babae ang baon nilang thermos.
“Medyo mag-menor ka baka tumapon itong…Dad! May tumatawid!”
Ikinataranta ni Mr. Cruz ang pagsigaw na iyon ng asawa. Naapakan nito ang preno, nakabig ang kambiyo ngunit himalang dumeretso ng takbo ang van.
Mabilis ang sumunod na pangyayari. Sa kagustuhan ni Mr. Cruz na maiwasan ang papatawid na tao ay walang humpay na kabig sa manibela at padyak sa preno ang ginawa nito. Halos umekis sa pagtakbo ang van, tumawid na sa kabilang lane at dumeretso sa pabulusok na damuhan. Humangga ito sa mataas at konkretong pader.
Malakas na tunog ng pagsalpok ang sumunod na bumasag sa katahimikan ng gabi. Saglit lang, tunog na ng highway patrol car ang maririnig.
Kalat na ang liwanag nang madala sa pinakamalapit na hospital ang mag-anak. Dead on the spot si Mr. Cruz. Malubhang nasugatan ang dalawang anak. Ang bunso ay binawian ng buhay sa hospital. Fifty-fifty sa operating room ang asawa ni Mr. Cruz.
A week later, saka lang nagawang makausap ng awtoridad si Mrs. Cruz. Labis ang pagdadalamhati nito matapos malamang patay na ang asawa at ang bunsong anak. Hiningan siya ng pahayag ng pulis.
Dumating ang ilang kaanak ni Mrs. Cruz sa hospital, mula sa Ilocos na labis nagdalamhati sa sinapit ng mag-anak.
“A-Ano ba’ng nangyari? B-Bakit kayo naaksidente, Ate?”
Kasalit ng pagluha ay nagawang magkuwento ni Mrs. Cruz.
“K-Kitang-kita kong tumatawid ‘yung babae.. .masasagasaan namin siya.. .a-ang lapit niya.. .ang lapit-lapit na niya pero.. .h-hindi magawang ipreno ng asawa ko ang…”
Pilit pinakalma si Mrs. Cruz ng mga kaanak.
“P-Paano n’yo nalaman na…”
“May tumawag sa bahay bandang 2:30 ng madaling araw. Ibinalitang naaksidente daw kayo sa NLEX at…”
“2:30? Tumawag… sa inyo?”Nasa anyo na ni Mrs. Cruz ang pagtataka.
“Oo, Ate. Busy nga kami sa pagluluto kaya gising pa kami no’n. Nataranta na kami pagkatanggap namin sa balita.”
“Pero.. .paano nangyari ‘yon”
“Ang alin?”
“Hindi ganoong oras nangyari ang.. .past three na kami umalis ng Manila, Len. Nang mangyari ang aksidente.. .past four.”
Nagtinginan ang mga kaanak ni Mrs. Cruz.
“Hindi ako puwedeng magkamali, Len. Dahil bago mangyari ang.. .tumingin pa ako sa oras.”
“Hindi rin ako puwedeng magkamali, Ate. Bago ko sagutin ang phone tumingin din ako sa oras. Dahil nagtaka ako kung sino ang posibleng tumawag sa oras na ‘yon ng madaling araw. 2:30 talaga.”
Walang nagsisinungaling o nagkakamali sa dalawa. Totoong past three na nakaalis sa Manila ang mag-anak. Totoong 2:30 nakatanggap ng tawag ang pamilya ni Mrs. Cruz sa Ilocos. At totoo rin past four ng madaling araw naganap ang aksidente.
Sinadya ang lahat at itinakdang maganap nang mahiwagang “distractor” sa NLEX na marami ng nabiktimang motorista. Maraming buhay na ang nabuwis nang dahil sa mahiwagang distractor ng NLEX.
Si Kamatayan!
Ang Wakas…

Mga batang kalye


Pulos puti ang nakita niya sa mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
SUNUD-SUNOD na bumusina si Leonard. Apat na bata marahil ay sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang mga edad ang naglalaro sa kalye at halinhinang tumatakbo patawid ng kalsada. Tatlo ang lalaki sa mga ito at nag-iisa lang ang babae na tila pinakamatanda sa grupo. Puwede siyang lumusot pero natakot siya na baka may mabundol siya sa mga bata.
Sa wakas ay gumilid sa kalsada ang apat na bata pero iyon ay pagkatapos siyang pukulin ng matatalim na tingin ng mga ito. Gusto niyang kastiguhin ang mga magulang ng mga batang ito na hinahayaang maglaro sa kalye kahit ala-una na ng madaling-araw? Ang tanong lang ay kung may mga magulang pa ang mga musmos na iyon. Sa tantiya niya ay sa kalye na nakatira ang mga iyon.

Mabagal pa rin ang takbo niya kahit nag-iisa na lang yata siya sa kalyeng iyon. Kung hindi siguro nangyari ang trahedya noon, baka pinalipad na niya ang sasakyan niya.
Tatlong taon na ang nakararaan nang may aksidente siyang masagasaan. Lalaki ito, treinta anyos. Dahil agad na pinanaigan siya ng takot na makulong, ang unang naisip niya ay ang takbuhan ang biktima niya. Sa tingin niya, dahil madaling-araw na at malakas pa ang ulan nang mga oras na iyon, walang nakakita sa nangyari.
Pero inusig siya ng konsiyensiya niya bago pa siya ganap na nakalayo. Bumuwelta siya pabalik sa nakahandusay na lalaki. Isinugod niya ito sa ospital pero binawian din ito ng buhay habang inooperahan. Laking pasasalamat niya nang ipasya ng pamilya nito na huwag nang magdemanda at ipasagot na lang sa kanya ang mga naging gastusin ng mga ito sa ospital. Tutal naman daw ay aksidente lang ang nangyari at hindi naman niya pinabayaan ang biktima. Mahirap lang ang pamilya ng biktima kaya hindi lang panggastos sa ospital ang salaping ibinigay niya sa pamilya nito.
Pagkatapos ng malungkot na insidenteng iyon, halos dalawang taon siyang hindi humawak ng manibela. Na-trauma siya, natakot na kapag nagpatakbo uli siya ng sasakyan ay makakaaksidente uli siya at makakapatay. Ngayon na lang uli siya nakapagmaneho pero sobrang ingat naman siya. Madalas tuloy ay nabubusinahan na siya ng mga kasunod na sasakyan niya dahil minsan ay sumosobra ang bagal niya.
Mayamaya ay napakislot siya nang may marinig siyang pagsabog. Ang gulong pala niya ang sumambulat.
Inabot yata siya nang isang oras sa pagpapalit ng gulong. Pag-andar uli niya, nakarinig siya ng ingay sa bubungan ng kotse niya. Parang may tao o hayop doon na tumatalun-talon.
Inihinto niya sa isang tabi ang kotse niya. Pero nang lumabas siya ng sasakyan, wala naman siyang nakitang tao, hayop o anumang bagay sa bubungan niya. Kung anuman iyong narinig niya, baka nalaglag na iyon bago pa man siya nakahinto. At hindi naman siguro tao iyon.
Para makatiyak, tumingin siya sa direksiyong pinanggalingan niya, pero wala siyang nakitang taong nakahandusay roon.
Pumuwesto na uli siya sa harap ng manibela pero bago uli niya napaandar ang sasakyan ay napapitlag siya nang may makita siya sa backseat. Isang batang lalaki, marahil ay dose anyos ang edad.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo, ha?” sigaw nito sa kanya bago ito humalakhak nang pagkalakas-lakas. Sinipa nito pabukas ang pinto ng kotse niya at tumakbo palayo.
Hindi na niya tinangkang habulin ito ngunit lumabas siya ng sasakyan at sinundan na lang niya ito ng tingin. At sa pagkagulantang niya, unti-unting naglaho ang bata habang kumakaripas ito ng takbo. Biglang nanindig ang mga balahibo niya. Sigurado siyang hindi siya namalikmata lang. Talagang unti-unting naglaho ang bata sa paningin niya.
“Hoy!” Narinig niyang may sumigaw sa kanya mula sa likuran. “Sino yang tinitingnan mo?”
Paglingon niya ay isa pang batang lalaki, na marahil ay dose anyos din ang edad, ang nakita niyang nakatayo sa bubungan ng kotse niya.
“Ano’ng ginagawa mo riyan? Baka mahulog ka riyan,” aniya. Tinangka niyang abutin ito pero tumalon ito. At sa pagkagitla niya, hindi agad ito lumapag sa lupa. Lumutang ito nang ilang segundo sa hangin bago marahang tumuntong sa lupa. Kumaripas din ito ng takbo.
Habang tumatakbo ito palayo sa kanya ay biglang lumitaw sa tabi nito ang batang nakita niya kanina sa likurang upuan ng sasakyan niya. Sabay na tumakbo ang mga ito. Malakas na nagtatawanan ang mga ito habang sumisibad ng takbo palayo.
Hindi siya nakainom at lalong hindi siya nakadroga nang mga sandaling iyon kaya walang dahilan upang lumikot nang husto ang kanyang imahinasyon. Kung anuman ang nakita niya, nangyari talaga iyon. Ngunit paanong ang isang bata ay bigla na lang mawawala at bigla na lang uli lilitaw?
Nagmamadaling bumalik na siya sa loob ng sasakyan niya. Saka na niya hahanapan ng lohika ang mga nangyari. Ang mahalaga sa ngayon ay ligtas siyang makauwi.
Binilisan na niya nang kaunti ang pagpapatakbo. Sa isang pagliko niya, isang rumaragasang ten-wheeler truck ang nasalubong niya. Huli na para umiwas siya. Ang pumikit na lang ang nagawa niya. Pero sa pagkagulat niya, walang siyang narinig na banggaan.
Pagdilat niya, walang ten-wheeler truck sa harap niya. Naiwasan ba siya niyon sa huling sandali? Lumingon siya, pero wala siyang natanaw na papalayong ten-wheeler truck.
Nanlalatang napasandal siya sa kinauupuan niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Kasunod niyon ay naalala niya na ang dalawang batang nagpakita sa kanya ilang minuto pa lang ang nakararaan ay kasama sa grupo ng apat na mga batang naglalaro sa gitna ng kalye. Iyong mga batang tumabi pagkatapos niyang businahan nang sunud-sunod pero pinukol naman siya ng galit na tingin.
Paano nangyaring nasundan siya ng mga ito? Marahil ay nakahabol ang mga ito nang huminto siya at magpalit ng gulong.
May kaunting paliwanag na siya sa mga bata pero iyong ten-wheeler truck na parang multong sumalubong sa kanya, ano iyon?
Bago siya nakaapuhap ng puwedeng sagot sa tanong niya ay may narinig siyang umiiyak. Sumulyap siya sa rearview mirror. Pumitlag ang puso niya nang makita niya roon ang batang babae na kasama rin sa grupo ng mga batang nadaanan niya kanina. Pinapahid nito ng daliri ang mga luha nito sa magkabilang mata.
“Sino ka?” tanong niya rito.
Paghagulhol lang uli ang isinagot nito. Sinapo pa nito ng dalawang kamay ang mukha nito.
“Bakit ka umiiyak?” tanong niya.
Nagulat siya nang makita niyang pulos puti ang mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo! Hindi yong kung anu-ano ang iniintindi mo gayong nasa harap ka ng manibela. Baka makasagasa ka. Kawawa ang mapapatay mo! Hindi sila matatahimik!” pagalit na wika nito sa kanya bago biglang napatili ito. “May bata!”
Napabalik ang tingin niya sa harap pero huli na. May nabangga na siya. Malakas ang naging pagkalabog nito.
“Oh, my God!” nanghihilakbot na sambit niya nang maramdaman niyang nagulungan niya kung sinuman iyon na nabundol niya.
Nanlalamig ang buong katawan na inihinto niya ang kotse niya at bumaba. Nanginginig ang mga tuhod niya. Pero wala naman siyang nakitang tao malapit sa sasakyan niya. Sumilip siya sa ilalim ng kotse, wala rin siyang nakitang tao roon. Pagbalik ng tingin niya sa loob ng sasakyan niya, wala na roon ang batang babae, sa halip ay sa gitna na ng kalsada niya nakita ito, patakbu-takbo, sumasayaw, at tumatawa.
“Hey!” sigaw niya sa batang babae. Baka may alam ito sa mga misteryong kasalukuyang nangyayari sa kanya.
Nasa gitna lang ba siya ng isang masamang panaginip?
Tumakbo palayo ang batang babae nang makita siyang papalapit dito. Hindi niya tinangkang habulin ito. Sinundan na lang niya ng tingin ito hanggang sa lamunin ito ng dilim.
Bumalik siya sa sasakyan ngunit bago niya napaandar iyon ay nakita niyang nakatayo ang isang batang lalaki sa harap ng sasakyan niya. Kasama rin ang batang ito sa grupo ng apat na “mahihiwagang” bata. Ito ang pinakabata sa grupo. May hawak itong malaking tipak ng bato.
“Sinabi na namin sa `yo, mag-ingat ka sa pagmamaneho mo!” sigaw nito sa kanya. “Nasagasaan mo tuloy ako!”
Bago pa siya nakakilos ay naipukol na nito sa kanya ang hawak nitong bato. Naglagos iyon sa windshield niya, at humampas at bumiyak sa noo niya.
Habang nagdidilim ang paningin niya ay nakita pa niya ang pagtayo ng bata sa gitna ng kalsada. Itinaas nito ang dalawang kamay nito habang nakatingin ito sa isang paparating na ten-wheeler truck. Naririnig pa niya ang malakas na pagtawa nito at ang paghamon nito sa paparating na truck na sagasaan ito.
ANG MAAMONG mukha ng nobya ni Leonard na si Mikee ang sumalubong sa paningin niya nang magising siya.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong nito.
Sinalat niya ang benda sa noo niya. Ipinaalala agad niyon ang mga nangyari sa kanya nang nagdaang gabi.
“Accident-prone daw talaga `yong kalye kung saan ka naaksidente kagabi, sabi ng pulis na nagdala sa `yo sa ospital.”
Nagtatakang napatingin siya rito. “Aksidente?” Hindi aksidente ang pagkakabiyak ng tipak ng bato sa noo niya. Sinadyang ipukol iyon sa kanya.
May bumahid kaagad na pag-aalala sa mukha nito. “Hindi mo maalala?”
Ang naaalala niya ay ang apat na batang binulabog ang sana ay isang tahimik at ordinaryong gabi niya.
“Nawalan ka raw ng kontrol sa kotse mo. Bumangga ka sa isang poste.”
Hindi iyon ang alam niyang nangyari sa kanya.
“Sabi pa ng pulis, baka raw napagmultuhan ka rin n’ong apat na bata,” dugtong pa nito.
“Multo ng apat na bata?”
Nagkuwento ito. Halos mag-iisang taon na raw ang nakararaan kung kailan apat na batang kalye tatlong lalaki at isang babae na nasa edad na sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang nasagasaan at napatay ng isang ten-wheeler truck habang naglalaro ang mga ito sa kalsada. Nakainom daw ang driver ng truck na namatay rin nang gabing iyon dahil tuluyan na itong nawalan ng kontrol sa dambuhalang sasakyan nito. Nagmumulto raw ang apat na bata sa kalyeng iyon at may mga gabing nagpapakita sa mga motoristang napipiling “paghigantihan” ng mga ito.
“Paghigantihan” ang terminong ginagamit ng mga pulis dahil daw lahat ng motoristang napipiling pagpakitaan ng apat na bata ay aksidenteng nakasagasa na ng tao at nakapatay.
Katulad niya.
Ang Wakas

Unsaved Soul


Halos araw-araw ay dinadalaw ni Ramon ang puntod ng asawa sa pribadong sementeryong iyon sa gawing Quezon City.
A year ago ay namatay ang asawa niyang si Precy dahil sa car accident. Nabangga ang minamaneho nitong kotse nang pauwi na mula sa opisina. Dead on the spot si Precy. May six months pa lang silang nakakasal nang mangyari iyon kaya hanggang sa kasalu-kuyan ay hindi pa rin magawang matanggap ni Ramon ang nangyari sa asawa.
Itinalaga ni Ramon ang sarili na sa abot ng makakaya ay pupuntahan niya palagi ang puntod ng asawa. Sa ganoong paraan man lang ay makasama niya ito sa loob ng ilang minuto bawat araw. Ganoon kamahal ni Ramon ang asawa.
Kung hindi bago pumasok sa opisina, pagkagaling sa opisina ang schedule ng pagpunta nito sa sementeryong kinalilibingan ng asawa.

Sa dalas ng pagpunta ni Ramon sa sementeryo ay napansin nito ang isang lalaki na walang palya rin nitong nakikita na pumupunta sa sementeryong iyon. Lagi itong may bitbit na bulaklak at kandila tulad din niya. Kung minsan ay sampaguita ang dala nito.
Minsang dumaan sa harapan ni Ramon ang nasabing lalaki ay naisipan niya itong batiin.
“Pare, madalas ka rin dito, a.”
Tumango at bahagyang ngumiti ang lalaki. Pagkuwa’ y tumayo si Ramon mula sa kinauupuang damuhan. Inilahad ang isang kamay sa lalaki.
“Ramon, Pare…”
Nakipagkamay ito.
“Guilbert. Sige.”
Iyon lang at itinuloy na ng lalaki ang paglakad. Ang direksyon nito ay sa dulong bahagi ng sementeryo. Doon laging nakikita ni Ramon na nagpupunta ito.
Nang sumunod na mga araw ay nakita pa rin ni Ramon ang lalaki sa iba’t ibang panig ng sementeryong iyon. Ngunit hindi na nagawa ni Ramon na muling kausapin ang lalaki.
Nais pa sana ni Ramon na makakuwentuhan si Guilbert. Malaman kung sino ang palagian nitong dinadalaw doon. Ngunit sa tuwing makikita ito ni Ramon ay nasa malayong bahagi si Guilbert. Madalas din na malayo ang tingin nito kaya nahihiya naman siya na istorbohin ito.
Isang hapon, araw iyon ng Linggo. Natawag ang atensyon ni Ramon nang isang parating na kotse. Sinundan ng tingin ni Ramon ang pupuntahan ng kotse. Tumuloy ito sa dulong bahagi ng sementeryo.
Natukso si Ramon na mag-usyoso.
“Hon, sandali lang ako ha. D’yan ka lang,” paalam pa nitong sabi sa puntod ng asawa.
Tinalunton ni Ramon ang daan patungo sa dulong bahagi ng sementeryo. Doon nga niya nakitang nakahimpil ang kotse. Sa tapat mismo ng isang musuleo. Tatlong tao ang naroroon sa loob. Nakita rin niya ang mga sariwang bulaklak na marahil ay dala ng mga ito.
Lumingon kay Ramon ang lalaki at bahagyang ngumiti. Gumanti ng ngiti si Ramon at lumakas ang loob na lumapit sa musuleo.
Tatlong magkakatabing puntod ang laman ng musuleo.
“Sa inyo pala ito,” wika ni Ramon na ang pinatutungkulan ay ang lalaking nakangitian.
Lumingon at ngumiti ang dalawang babaeng kasama ng lalaki. May edad na ang isang babae. Yumukod at ngumiti si Ramon sa mga ito.
Sa pagbaling ng mukha ni Ramon, nahagip ng kanyang tingin ang lapida at kapagdaka’y nangunot-noo ito.
“Guilbert?” sambitni Ramon.
“Oo,” sagot ng lalaki. “Bayaw ko siya. Kapatid ko ang asawa niya.. .iyang nasa kabila.”
Ofelia naman ang nakasulat sa kabilang lapida at sa isa pa ay Wency. Muling binalikan ng tingin ni Ramon ang lapidang Guilbert ang nakatitik.
“Ikaw.. .may dinadalaw ka din?”
“Oo, asawa ko.”
“Ganoon ba? Mag-asawarin ‘yan. Last year lang namatay. Up to this minute parang hirap pa rin kaming paniwalaan na patay na sila.”
Ngunit iba na noon ang takbo ng isip ni Ramon.
“Pare, curious lang ako. Huwag mong mamasamain ang itatanong ko kasi…”
“Okay lang. Ano ba ‘yon?”
Nakaupo na sa naroong bench ang dalawang babae at nagkukuwentuhan.
“Iyong Guilbert… ‘yang bayaw mo, a.. .puwede bang i-describe mo ang itsura niya?”
Saglit pang kumunot-noo ang lalaki.
“Well.. .halos kasing taas ko siya. Medyo payat.. .may…”
“May nunal sa dulo ng ilong? Kulot ang buhok… fair complexion?”
“Oo. Kilala mo ba siya?”
Kaagad namutla si Ramon sa natuklasan. Ang ibang katangian ay posibleng nagkataon lang. Ngunit ang prominenteng nunal sa dulo ng ilong at ang pangalan ay sapat ng katunayan.
“Bakit, Pare, may problema ba?”
Napilitang magkuwento ni Ramon sa kanyang karanasan. Maging ang dalawang babae ay na-curious na ring makinig kay Ramon. Hindi halos makapaniwala ang mga ito sa sinabi ni Ramon na madalas niyang makita si Guilbert. Na minsan nga’y nakausap pa niya ito.
Napilitan ang lalaki na magkuwento ng mga bagay tungkol sa mag-asawang nakalibing sa puntod.
Isang kahanga-hangang love story daw mayroon ang mag-asawang Guilbert at Ofelia. Hindi birong hirap ang pinagdaanan ni Guilbert bago sila nagkatuluyan ni Ofelia para paghiwalayin lang pala ng kamatayan.
Namatay si Ofelia sa panganganak. Maging ang sanggol na nagawa nitong isilang ay binawian din ng buhay dahil sa komplikasyon, pagkaraan lang ng ilang oras pagkasilang dito.
Halos mabaliw si Guilbert sa nangyari. Gabi at araw ay umiiyak ito at nagkukulong sa loob ng kuwarto. Hindi kumakain. Hanggang mapilitan sila na dalhin ito sa ospital ng mga baliw. At doon nito tinapos ang sariling buhay. Nagbigti si Guilbert.
Mortal sin na itinuturing ng simbahan ang pagbawi sa sariling buhay. At iyon ang ginawa ni Guilbert. Kaya marahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakapasok sa dapat puntahan ang kaluluwa ni Guilbert. Ang unsaved soul na marahil ay siyang nakita o nagpakita kay Ramon sa sementeryong iyon.
Ang Wakas

Ulilang Puntod


Maliwanag ang buwan, at mula sa aking kinaroroonan ay nakita ko iyon… isang figure nasaumpisa ay parang isang hayop na nakaluhod…
Last year, napadayo kami sa isang malayong bayan sa Marinduque. Inanyayahan kasi kami ng isang balikbayan friend.
Bale apat kaming sumama noon, dalawang babae at dalawang lalaki…
Pagdating doon, natuklasan naming pulos palaban pala ang mga tao sa kanilang village. As in… palaban talaga. Sa inuman.
At ang nakatutuwa pa, pinagsama-sama sa isang harapan ang mga babae’t lalaki. Kanya-kanya ng basong tagayan.

Nang nagkaka-sayahan na, kanya-kanya ng bidahan sa kuwentuhan. Kami naman siyempre, tahimik lang. Mga bisita lang kasi kami.
Medyo natahimik ang harapan ng isang medyo may edad ng lalaki ang nagsimulang magbida.
Tinanong niya kami kung ano raw ba ang masasabi namin sa kanilang lugar. “Maganda, masaya,” sagot naman namin.
“Ipinagmamalaki talaga namin iyan!” sagot naman ng lalaki.
“Pero hindi lahat dito pulos saya!” muli niyang sabi at hamumungay ang mga matang tumingin sa amin. Medyo tumatalab na ang kanyang nainom.
“Bakit ho naman n’yo nasabi ‘yan?” tanong ko.
“Nakuu… dito sa baryo namin may mga nagaganap na malungkot. Malungkot talaga!” at umiling-iling pa ito.
“Hoy Enteng! Magbibida ka na naman.. .bukas na lang ‘yan, tumagay ka na muna!” hagalpakan naman ng tawa ang ilang kaharap na kababaryo ng lalaki.
Sandaling tumigil ang lalaki. Kinuha ang bote ng long neck at sandaling nagsalin ng tagay sa kanyang baso. Isang babae naman ang bumulong sa isa naming kasama. Katabi lang ako at narinig ko ang kanyang sinabi.
“Mahilig kasing magbida iyang si Enteng… napakaraming kuwento niyan!” sabi ng babae.
“Aba… mas mabuti ho iyon. Mas enjoy!” sagot naman ni Edna na kasama namin.
“Kaso nga…ang mga kuwento niyan…may totoo, may hindi.. .meron pang kuwentong lasing!” at narinig kong nagtawanan uli ang mga kababaryo nila.
Pero kahit nagtatawanan, natigil muli ang lahat ng muling magsalita si Enteng. Kakaiba ang kanyang karisma kapag nagsasalita. Parang mahihikayat kang makinig.
“Excuse me… nakapasyal na ba kayo sa buong baryo?” tanong nito, na ang tinutukoy ay kaming mga bisita.
“Kalahati pa lang ng baryo ang naiikot nila, naubos na ang oras kahapon!” si Mariz ang sumagot, ang kaibigan naming taga-roon.
“Hindi mo pa sila naipapasyal sa Dulong Burol, ano?”
“Hindi pa. Next time. Bago sila bumalik,” sagot ni Mariz. Muling bumaling sa amin si Enteng.
“Makinig kayo. May ikukuwento ako senyo. Ito iyong sinasabi kong malungkot.” Napansin kong parang nagkatinginan ang mga kaharap namin. Para ba’ng gusto nilang pigilin si Enteng sa pagkukuwento. Pero lahat kaming mga bisita, nakatingin at nakikinig lahat kay Enteng. Kaya siguro tumahimik na lang sila.
Ayon kay Enteng, sa lugar na tinatawag na Dulong Burol ay may isang ulilang puntod. Puntod ng isang walong taong gulang na batang babae. Luisa ang kanyang pangalan.
Mga maliliit na bata pa lamang daw silang lahat ng mangyari ang trahedya sa buhay ni Luisa at sa pamilya nito. Trahedyang hanggang ngayon ay nakikita pa… at nararamdaman pa, ng kanyang mga kababaryo.
Doon sa lugar na iyon dati nakatayo ang kubo ng mag-anak nina Luisa. Miguel ang pangalan ng ama niya at Lolita naman ang ina. May isang kapatid si Luisa, si Manuel, na siyang bunso. Madalas maglaro sa loob ng kagubatan ang magkapatid.
Dumating ang isang pangyayaring hindi inaasahan ng pamilya. Umuwi ang magkapatid isang hapon na matamlay si Luisa. Ayon daw sa batang babae ay masama ang kanyang pakiramdam at para siyang nanghihina. Nahiga raw ito sa papag at nakatulog, Mahimbing ang naging tulog ng bata at komo alam na masama ang pakiram nito, pinabayaan na lang nila ito sa mahimbing na pagtulog.
Pero ng ginigising na nila ito kinabukasan ay ayaw nitong magising. Kahit anong yugyog at tampal ang gawin ng mag-anak ay hindi magising ang bata. Wala pa raw kahit klinika noon sa kanilang lugar,at isang manggagamot lamang ang pinupun’tahan ng mga tao kapag nagkakasakit ang mga ito. Ito ang albularyong si mang Genaro. Ayon raw sa albularyo, nakatuwaan ng engkanto ang batang babae. Gustong isama ng mga ito ang bata sa kanilang kaharian.
Noon din ay gumawa ng seremonyas si mang Genaro. Pagkalipas ng ilang oras ay sinabi nitong may nagawa raw pala si Luisa na ikinagalit ng engkanto. Makapangyarihan daw ang engkanto. Maghintay raw sila kung magpapasya ang engkanto na patawarin si Luisa.
Sabihin pa ay gano’n na lang ang pagkabahala ng mga magulang ng bata. Tinanong nila ang bunsong kapatid nito kung saan nanggaling ang mga ito at kung ano ang ginawa ng kanyang ate pero wala namang masabi ang batang lalaki. Basta naglalaro lang daw sila sa gubat. Patuloy na gumawa ng seremonyas ang albularyo, pero lumipas ang tatlong araw at tatlong gabi ay hindi pa rin gumigising si Luisa.
Nang ika-apat na araw ay napansin nilang parang humihina na ang tibok ng puso ng bata. Parang kinakapos na rin ito sa paghinga. Umiiling-iling na si mang Genaro. Ayon dito, ayaw patawarin ng engkanto ang bata. Naghisterikal na ang ina nitong si aling Lolita.
“Sabihin mo sa kanya, ‘wag niyang kukunin ang anak ko! Maawa siyaa!” Umiiyak na sabi nito.
Sa puntong ito saglit na naputol ang kuwento ni Enteng dahil lumapit si Mariz. May ibinulong sa dalawang babaeng taga-roon na kaumpukan namin. Tumayo ang mga ito at magalang na sinabing tutulong lang muna sila sa pagluluto at dumating na ang karne ng pinatay na baboy. Medyo nahihiya naman sigurong maiwan sa umpukan at hindi tumulong ang dalawang lalaking taga-roon din, kaya sabay na tumayo rin ang mga ito. Nang ituloy ni Enteng ang kuwento ni Luisa, kami na lang na mga bisita ang kaharap ni Enteng.
Ikalimang araw ay hindi na raw humihinga si Luisa. Patay na ito. Halos mabaliw ang ina nito. Hindi pinatawad ng engkanto ang bata.
Noong mga panahong iyon, hindi talaga uso ang embalsamo. Wala kasing serbisyo ng punerarya sa kanilang lugar. Ang kabaong ay tulong-tulong na ginagawa sa gabi dahil kinabukasan din ay kailangang mailibing na ang namatay upang ‘di mangamoy.
At sa ika-anim na araw nga ay inilibing na rin si Luisa. Inilibing ang kanyang labi sa lumang sementeryo matapos basbasan ng pari na sinundo pa sa bayan.
Ganoon na lang ang pagdadalamhati ng naiwang pamilya ng bata. Dati-rati ay napakasaya ng mag-anak kahit hindi masagana ang buhay nila. Parehong mabait ang mag-asawa pati ang dalawang anak nila. At si Luisa ay isang masunuring anak. Malambing din ito sa mga magulang. Kaya hindi halos sila makapaniwala na meron itong nagawa na ikinagalit ng sinasabing engkanto.
Pero ika-walong araw ay nagulantang ang mag-anak ng biglang sumulpot uli si mang Genaro at sinabi nitong sigurado siyang buhay si Luisa! Nakausap raw nitong muli ang engkantong nagalit sa bata at sinabi raw nito na pinatawad na niya ang bata. Noong ika-anim na araw pa raw pinatawid na niya sa hangganan ang espiritu ng bata. Ibig sabihin, nakabalik na ang kaluluwa nito sa kanyang katawang-lupa!
Tumakbo raw ang mga magulang nito sa kanyang libingan. Dali-daling hinukay ang puntod na katatabon lamang. Pero huli na. Nanghilakbot sila dahil sa nakitang ayos ng bangkay Nakatirik ang mga mata, nakabuka ang bibig na parang kinapos ng paghinga. At sa dalawang palad nito ay maraming hibla ng sariling buhok. May mga salubsob din ang mga kuko nito sa mga daliri at may natuyong dugo ang mga ito, Tanda ng pagkalmot nito sa takip ng kabaong, na sadyang ‘di nito mabubuksan dahil nakapako.
Nang muling makabalik ang espiritu ng bata sa katawan nito at muling magkamalay ay huli na ng matuklasan nitong nasa loob siya ng ataul at nakalibing siya sa ilalim ng lupa. Sobrang agony siguro ang naranasan nito bago tuluyang namatay.
Sobra ang muling paghihinagpis ng pamilya nito. Hindi malaman kung sino ang sisisihin. Sinisisi raw ni aling Lolita ang asawa nito kung bakit nagdesisyong ipalibing agad ang bata. At ang albularyo naman ang sinisisi ni mang Miguel. Bakit daw sinabi nitong ayaw patawarin ng engkanto ang anak at patay na ito? May pag-asa pa naman palang mabuhay uli ito. Kung sana’y naghintay muna sila bago inilibing si Luisa!
At iyon na ang Simula ng tuluyang pagkawasak ng pamilya ni Luisa. Nuong mahukay muli si Luisa, doon na ito inilibing sa malapit sa kanilang kubo sa Dulong Burol. At noon din napansin ng mga tao sa baryo ang laging pagkatulala ni aling Lolita. Palagi ito sa puntod ng anak. Pati ang bunsong anak nitong si Manuel ay halos napabayaan na nito. Si mang Miguel naman ay laging naglalasing. Noon daw minsang malasing ito ay tinangka pang tagain si mang Genaro, ang albularyo.
Pero ang hangganan ng lahat ay isang gabi na wala si mang Miguel sa kanilang bahay. May nakakita raw dito na lasing na lasing at nakatulog na sa tumpok ng dayami malapit sa burol. Magha-hatinggabi ng makarinig ng mga palahaw ang mga tao malapit sa Dulong Burol. At mula sa ibaba ng burol ay kitang-kita nila na nasusunog ang kubo nina aling Lolita. naririnig pa ng mga ito ang paghiyaw ng mag-inang nakulong na ng apoy.
Natupok ang kubo kasama si aling Lolita at Manuel. Ang naging konklusyon ng mga taga-roon ay malamang na natabig ni aling Lolita ang ilawan na naging sanhi ng apoy. Simula kasi ng mamatay si Luisa ay laging tulala ito at umiiyak.
Dahil sa isa pang trahedyang iyon, tuluyan ng bumigay ang katinuan ni mang Miguel. Naging taong grasa ito. Tumatawa habang umiiyak. Pagala-gala. Ang mga kababaryo naman na nakakaalam ng kuwento ng buhay nito ay nagtulong-tulong na bigyan ito ng pagkain at inumin.
Napabayaan na rin ang ulilang puntod ni Luisa. May ilang mga kaibigan si aling Lolita na nagmalasakit asikasuhin ang puntod. Pero sa paglipas ng panahon. nangawala na ang mga kaibigang iyon at mabuti na lang at hanggang ngayon ay may mangilan-ngilang nakakaisip maglinis doon at mag-alay ng bulaklak kapag undas.
Pero hindi pa doon nagtatapos ang kuwento. ayon kay Enteng. Kapag maliwanag ang buwan ay nakikita ang kaluluwa ng batang si Luisa sa tabi ng kanyang puntod. Hindi siguro matanggap ng bata ang nangyari sa kanyang pamilya, na ang puno’t dulo ay siya.
Habang nagkukuwento si Enteng ay tumatagay ito, kaya ng matapos ang kuwento ay parang lasing na talaga ito. Nang tumayo ito para jumingle ay kanya-kanya kami ng opinyon.
“Naniniwala ako sa kuwento niya. tungkol sa nangyari sa pamilya ni Luisa!” sabi ni Larry. “Pero iyong huli niyang sinabi duda ko ‘di totoo iyon!”
“Alin. iyong sinabi niyang nagmumulto si Luisa?” tanong ko.
“Ano pa? Kita n’yo naman, senglot na siya. ‘di ba? Meron pa siyang sinasabing kapag maliwanag ang buwan… hahaha! Ano iyon, may pinipili ba’ng gabi ang multo?”
Nagkatawanan na lang kami. Pero lahat kami aminadong malungkot talaga ang nangyari sa kanila. At hindi rin maalis sa isip ko ang tungkol dun sa nagising si Luisa na nasa loob siya ng ataul sa ilalim ng lupa! Nakapangingilabot!
Kinabukasan, ipinasyal muli kami ni Mariz at itinuro niya ang ulilang puntod. Nasa itaas ito ng burol at natatanaw mula sa main highway. Matagal na raw siyang wala sa kanilang lugar kaya hindi masabi ni Mariz kung totoo ngang nakikita roon ang multo ni Luisa kapag mga gabing maliwanag ang buwan.
Kinabukasan ng gabi kami masayang umalis sa baryo nina Mariz. Sakay ng kanyang van, masaya pa kaming nagkukuwentuhan habang tumatakbo ito. Napatingin ako sa dinaraanan at naalala kong matatanaw nga pala ang burol mula sa aming kinaroroonan. At hindi nga nagtagal ay nakita ko na ang burol kung saan naroon ang ulilang puntod ni Luisa.
Hindi kabilisan ang aming takbo at noon ko iyon nakita… maliwanag ang buwan, at mula sa aking kinaroroonan ay nakita ko iyon… isang figure nasaumpisa ay parang isang hayop na nakaluhod. Pero ng titigan ko iyon ay kitang-kita ko ang isang batang babae, malungkot na nakatingin sa kawalan. Balak ko iyong ituro sa katabi ko pero nawala na iyon sa aking paningin dahil lumampas na ang aming sasakyan.
Wakas


My 3 little Angels

Saturday, 24 August 2013

ILLEGAL DRUGS

SAY NO TO DRUGS, SAY YES TO GOD!


bakit kaya marami sa mga tao, bata man o matanda, babae o lalake, mayaman o mahirap, ay nahuhumaling at nalaululong sa masamang bisyo?. alam naman natin na bawal at may kaakibat na kaparusahan ang taong nahulihan nito...sa pilipinas man o sa ibang bansa.kanya kanya man ng dahilan.at katwiran isa lang ang katotohanan..ang pag abuso sa gamot na ito ay wala talagang magandang bunga..kulungan o kamatayan!
 
 pero marami rin sa ating mga opisyal ng gobyerno ang pumoprotekta sa mga sindikato
kaya nga napakahirap sugpuin ang gainitong kalakalan. madali ang pera at may kapangyarihan.kay lamang talaga walang pakialam at pakundangan, kahit na makasira sila ng maraming buhay lalo na ang ating mga kabataan!

  hindi naman sa nag mamagaling o sa nagmamalinis,, gusto ko lamang ipaalam ang aking saloobin
lalo na, ako man ay naging biktima ng ganitong uri ng bisyo, pero laking pasalamat ko sa. Panginoon dahil nagawa kong makaalpas sa ganitong klase ng pagsubok, isa lang ang ikinalulungkot ko! may kaybigan ako na nawalan na ng wisyo at tamang pag iisip sa ganitong uri ng bisyo .. kaawa awa talaga, sana lang maka rekober siya at manumbalik ang kanyang katinuan!
kaya kayong mga kabataan na gustong sumubok ng bawal na gamot, huwag na ninyong ituloy. at yung mga kasalukuyang gumagamit, tigilan ninyo yan!  huwag na ninyong hintayin na may mangyaring masama sa inyo o mahal sa buhay!

 
Ang ipinagbabawal na mga gamot, ilegal na mga droga, inaabusong mga gamot, o mapanganib na mga gamotay tumutukoy sa anumang sangkap, hindi kasama ang tubig at mga pagkain, na nakapagpapabago sa takbo ng kaisipan ng tao at katawan din ng tao. Maaaring makaapekto ang droga sa isip lamang ng tao o sa katawan ng tao, subalit maaari ring parehong maapektuhan ang mga ito. Sa malawakang kahulugan, kinabibilangan ang mga bawal na gamot ng mga produktong drogang may kapeina, tabako, mga nalalanghap na sangkap o mga inhalante, angmarihuwana o cannabis, heroina, at mga isteroyd.
tinitira ni KIGKIG

Mga nilalaman


Legal na katayuan ng bawal na gamot[baguhin]

Ibinabatay ang legal na kalagayan ng mga bawal na gamot sa ilang mga kadahilanan. Katulad ito ng hinggil sa mga alak. Sa legal na katayuan ng alak, hindi ito itinuturing na bawal na gamot, subalit mayroong batas kaugnay ng pagbebenta nito sa mga menor-de-edad. Hindi pinapahintulutan ng batas ang pagbibili o pagbebenta ng alak sa mga taong may edad na may mababa sa 18 taong gulang
Batay sa talaan ng Batas Republika bilang 9165 (Republic Act 9165) ng Pilipinas, tinatawag at itinuturing na bawal na mga gamot ang mga sumusunod at kanilang mga kauri: marihuwana, resin ng marihuwana, langis ng resin ng marihuana, ang ecstacy(methylenedioxymethamphetamine o MDMA), paramethoxyamphetamine (PMA),trimethoxyamphetamine (TMA), liserhikong asidong dietilamino (lysergic acid diethylamine o LSD), gamma hydroxybutyrate (GHB), methamphetamine hydrochloride (mas tanyag bilang shabuice, o meth), opyo,morpinaheroina, at kokaina (cocaine hydrochloride). Kabilang din sa mga ito ang anumang bagong natuklasang mga gamot at pinagkunan ng mga ito na hindi naman nakakagamot, bagkus ay nakapipinsala sa tao.

Mga pangkat ng bawal na gamot

Mayroong mga kapangkatan ang ilegal na mga gamot. Pinagpapangkat-pangkat ang mga ito ayon sa kanilang sa panggitnang sistema ng nerbiyos ng katawan. Kasama sa pangunahing mga pangkat ng ilegal na mga gamot ang mga pampahina o depresante(pampakalma), mga pampasigla o estimulante, at mga pampatakbo ng guni-guni o halusinoheno

Mga pampahina

Kahulugan

Tinatawag na pampahinadepresante, o pampakalma ang mga gamot na nakapagpapabagal sa pagtakbo o pag-andar ng panggitnang sistema ng nerbiyos ng katawan ng tao. Pati na ang pagpapabagal sa pagdadala ng mga mensaheng papunta at nagmumula sa utak ng tao. Dahil sa gamot na ito, bumabagal ang paghinga at ang pintig ng puso ng tao. Hindi ito mga gamot na nagpapahina o nagpapalungkot sa isang tao.

Mga bawal na pampahina

Kabilang sa mga illegal na pampahina ang mga marihuwana, hashish, langis ng hashish, heroina at iba pang mga pampakalma.

Mga di-bawal na pampahina

Kabilang sa mga legal o hindi ipinagbabawal na mga pampahina ang alak, mahihinang mga trankilayser, mga nilalanghap na sangkap (tulad ng kolagasolinapinturang iwiniwisik), mga gamot na may kodeina (halimbawa na ang Panadeine), metadona at iba pang mgapampakalma.[3]

Mga epekto ng pampahina

Nakakaapekto sa konsentrasyong pang-isipan at koordinasyong pangkatawan ng tao ang mga pampahina o pampakalma. Nakapagpapabagal ito sa pagtugon ng tao sa mga hindi inaasahang mga situwasyon. Dahil dito, mapanganib para sa taong nakainom ng pampahinang gamot ang pagmamaneho. Kapag naghalo sa katawan ng tao ang iba’t ibang uri ng mga pampahina (tulad ng pinagsamang alak at marihuwana), mas masidhi ang epekto nito sa tao

Malalakas na mga epekto
Kabilang sa mga malalakas na mga epekto ang pagsasalitang hindi malinaw o hindi maunawaan, hindi tugmaang paggalaw o pagkilos, pagsusuka at pagduwal, pagkawala ng malay na dulot ng mabagal na paghina at bumagal na pintig ng puso, at pagkamatay
Malalang mga epekto
Dahil sa kaantasan ng pagkapuro o pagkadalisay ng mga pampahinang gamot, nagkakaroon ng mga malalalang mga epekto ito sa katawan ng tao. Kabilang sa mga malalalang epekto at kumplikasyon ng mga pampahina ang pagkakaroon ng HIV o AIDSHepatitis B,Hepatitis C, at mga katulad na impeksiyon. Nagiging kinalabasan ang mga ganitong malalalang epekto dahil sa pakikigamit ng taong nalulong sa pampahinang mga gamot na nakikisalo o nakikigamit ng karayom ng hiringgilya, ng mismong hiringgilya, at mga katulad na kasangkapang pang-iniksiyon ng pampahinang mga gamot

Mga pampasigla

Kahulugan

Tinatawag na mga pampasigla o estimulante ang mga bawal na gamot kung nakapagpapabilis o nakapagpapadali ito sa pagtakbo ng panggitnang sistema ng nerbiyos ng katawan ng tao. Pati na rin ng mga mensaheng patungo at palabas mula sa utak ng tao. Dahil sa kanila, dumadagsa rin ang pintig ng puso, tumataas ang temperatura ng katawan, at umaangat din ang presyon ng dugo o nagkakaroon ng altapresyon

Mga bawal na pampasigla

Kabilang sa mga bawal ang kokaina, walang pagrereseta ng manggagamot na mga ampetaminaspeedLSD, at ekstasimethamphetamine hydrochloride.

Mga di-bawal na pampahina

Kabilang sa mga hindi bawal na pampasiglang gamot ang nikotina ng mga sigarilyo; ang kapeina ng kapekolatsokolate, tabletang nakapagpapapayat, at ilang mga inuming nakapagpapalakas; at ang sudoepedrina mula sa mga gamot na para sa ubo at sipon

Mga epekto ng pampasigla

Katamtamang mga epekto
Kabilang sa mahihinang mga epekto ng mga pampasigla ang pagkauhaw, walang ganang kumain, hindi makatulog, kadaldalan, at pagiging balisa
Malalakas na mga epekto
Kabilang sa malalakas na mga epekto ng mga pampasigla ang pagkabalisapagkatakotatakesakit ng ulo, pangangalambre ngsikmurapagka-agresibo, nakakatuwang guni-guni, pagkawala ng malay-taokalituhan ng isipan, at kapaguran

Mga pampatakbo ng guni-guni

Kahulugan

Tinatawag na halusinoheno o mga pampatakbo o pampaandar ng guni-guni ang mga bawal na gamot kapag nakakaapekto ito sa pang-unawa o kakayahang umunawa ng isang tao. Dahil sa pag-inom ng mga pampatakbo ng guni-gunit, nakakakita o nakakatanaw ang tao ng mga baligtad na mga bagay-bagay, nagkakaroon ng kaguluhan ang isipan ng tao particular na kung may ingay at kulay sa paligid

Mga bawal na pampatakbo ng guni-guni

Kabilang sa mga bawal na halusiheno ang LSD, kabuti ng salamangka (magic mushrooms), meskalinaekstasi, marihuwanang may matapang na dosis o dosahe

Mga epekto ng halusinoheno

Kabilang sa mga epekto sa katawan ng tao ng mga halusinoheno ang pagkakaroon panlalamig ngunit may biglaang pagkaramdam ng init, panlalaki ng balintataw, walang gana sa pagkain, pangangalambre ng sikmura, pagduduwal, pagkakaroon ng kabilisan o pagmamadali sa paggawa, pagsasalita at pagtawa, mayroon din pagkatakot, pagkaramdam ng nakakatuwang guni-guni, pakiramdam na naaapi, at may mahabang panahong pagbabalik ng mga nangyari na sa nakaraan
]